No Permanent Address

Dear KNOT,

Ako si Kimjoseph G. Schimmer, nagpuyo sa City Jail, 25 years old, single. Katoliko ako at sumasali ng Bible Sharing kada Merkules. Bata pa lamang ako hindi ako masyadong pumapasok sa simbahan. Hindi din ako nagdadasal. Hindi ko alam kung bakit isa akong batang “No Permanent Address.” Dahil broken family kami lagi akong nasa kapatid nang Mama ko. Minsan naman nasa kapitbahay. Ako naman ay Grade 4 lang ang pinag-aralan. Hindi ko rin alam kung nasaan ang mga magulang ko.

Labing-dalawang taong gulang lang ako nang ako ay umalis sa amin. Sumama ako sa mag-asawang pastor at pastora dahil nga wala akong matinong pamilya. Lumuwas kami dito sa Davao City at kalaunan, itinuring ko na sila na totoo kong magulang.

Pero noong taong 2000, hindi ko namalayan na ang tinuturing ko palang magulang ay ang wawasak din sa buhay ko. Ako ay naging daan upang gumawa sila ng hindi ko lubos maisip na magagawa nila. Tinulak nila ako na manggamot, kahit hindi ako mangagamot at nanghihingi ng bayad, P200 bawat tao.

Noon kase di ko pa alam kung paano gumawa ng hakbang para umayaw sa gusto nila. Di ko alam kung saan ako pupunta noon kaya napilitan na akong manggamot. Nang lumipas ang isang taon medyo alam ko na ang lugar. Umalis ako sa puder nila at naghanap ng trabaho ngunit hindi ako pinalad kaya naging palaboy ako. Nang tumagal ay nakakita ako ng trabaho. Tinuruan akong magmasahe. Kaya ‘yon ang aking naging hanap buhay.

May nakilala ako sa daan na isa ring palaboy. Siya ay naging totoong kaibigan ko. Sa kalye kami natutulog, namamasura hanggang natuto nalang akong magsulat, magbasa at magpasosyal. Tinulungan niya ako para magtrabaho hanggang dumating na naman ang pagsubok sa buhay ko. Noong una ay akala ko wala nang pag-asa pang mabuhay dito sa mundo. Sobrang hirap na ang pinagdaanan ko sa buhay ko. Ngunit dito ko nakilala ang totoong dahilan kung bakit ganito ang dinanas ko. Hindi ko pala tinatawag o kinikilala ang Panginoon. Kaya sabi ko sa sarili na hindi pa pala huli na kilalanin ang Dios at maniwala sa kanya.

Ilang buwan pa lang akong bumalik sa Dios ay may nakikita na akong liwanag at pagbabago sa buhay ko. Noon marami akong tanong sa Panginoon, pero noong naniwala na ako tungkol sa Kanya ay nalaman ko kung ano ang sagot sa lahat ng katanungan ko tungkol sa sarili ko. Kung bakit ganito ako ngayon alam kong may plano Siya sa akin at ang lahat ng meron ako ngayon, dahil ‘yon sa Kanya. Kahit nandito ako sa loob ng kulungan, hindi eto magiging hadlang upang manamplataya ako kay Hesus. Magpapatuloy akong maging anak ng Dios. Salamat po. – Kim

***

Salamat Kim. More Stories via FB: Kwento ng Ordinaryong Tao. ‘Til next kwentuhan higala!

No Comments

Post A Comment