Tagum kampeon sa ‘Shoot for the Poor’

“Isa pa! Isa pa!” Ito ang iisang sigaw ng mga nagkakagulong tagasuporta ng koponan ng Tagum Clergy sa kanilang pambatong si Rev. Fr. Pallo nang inihagis at itinutok niya ang bola sa ring upang maibulsa ang isa na namang 3 point-shot. Kailangan nilang humabol upang masungkit ang tagumpay sa kahuli-hulihang kampeonatong laro sa bastketball laban sa San Carlos Clergy.

Idinaos ang kauna-unahang Inter-Clergy National Basketball Tournament sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex, RDR Gymnasium noong Oktobre 19-23. Hinati ang mga koponan sa dalawa. Ang Bracket A na kinapapalooban ng TAGUM CLERGY; TALIBON CLERGY; CEBU CLERGY; DAVAO CLERGY; at CAGAYAN DE ORO CLERGY. Bracket B: BUKIDNON CLERGY; CACERES CLERGY; MILITARY ORDINARIATE; MAASIN CLERGY; at SAN CARLOS CLERGY.

Sa unang kwarter ng laro, unang nakapuntos ang koponan ng Tagum Clergy sa San Carlos Clergy ngunit sa bawat tunog ng matinis na huni ng pito, bawat kumpas at hampas ng mga tambol tila nagbago ang ihip ng hangin. Pumanig ang laro sa San Carlos Clergy. At natambakan ang kalaban. Ngunit di nagpatinag ang humahabol na koponan. Nagsimulang uminit ang labanan nang umulan ang sunod-sunod na puntos. Mga madre, seminarista, pari at iba pa ang napapahiyaw at napapahula kung makakapuntos ba. Dumaan ang pangalawa at pangatlong kwarter, ibinuhos na lahat ng bawat isa ang lakas, dugo’t pawis sa pagpapalakas ng opensa’t depensa. Sa pang-apat na kwarter, 31 segundo na lamang ang natitira – 81 puntos para sa koponan ng Tagum Clergy habang ang San Carlos Clergy ay may 83 puntos. Ilang segundo na lang matatapos na ang laro. Ilang segundo na lang mahihirang na ang kampeon. Umaalab ang mga damdamin ng bawat taong nasa loob ng kort. Sumisigaw, sumusuporta sa pambatong koponan. Humina na ang ingay. Napatigil ang lahat. Ito na pala ang hudyat upang hirangin ang kauna-unahang kampeon sa nasabing laro. Panalo ang Tagum Clergy laban sa San Carlos Clergy – 85, 84.

Ayon sa kasalukuyang Social Action Director ng Tagum Rev. Fr. Em-em Luego, layunin ng laro na makaipon ng pondo para sa mga plano’t adbokasiya ng iba’t ibang clergy sa pagpapasinaya ng kulminasyon ng Taon ng Maralita. (Al Kristian Presente | PHOTOS Fr. Em Luego, Brenda Bonleon)

No Comments

Post A Comment