Naaalala Mo Pa Ba? (Isang Liham para sa mga Guro)

Minamahal kong Guro,

Naaalala mo pa ba ako?

Ako si Al ang iyong mag-aaral noong ika-4 na baitang, 7 taon na ang nakakaraan.

Naaalala mo pa ba?

Sa apat na sulok at nakatayong mga haligi ng silid-aralan, nandoon ako. Ikalawang hilera ng mga upuan sa harapan ng iyong mesa naroon ako, nakaupo at nakaharap sa iyo — nakikinig sa bawat salitang lalabas sa iyong bibig, mga pangaral, at mga tinalakay na mga turo’t aralin. Di ko nga makalimutan ang mga bagay sa iyong mesa, isang ballpen na may pulang tinta na malapit nang maubos, pambura’t lapis na unti-unting lumiliit, at isang baling piraso ng yeso.

Kapag ika’y nagsasalita di maiwasang minsan ang iba ay nagta-taingang kawali dahil sa katigasan ng ulo o di kaya’y dahil sa pagkabagot kung kaya’t ikaw ay nagagalit at nagpapasaring sa aming lahat ngunit sa katapusan ng araw ikaw rin ang humihingi ng kapatawaran. Ikaw ang nagbibigay konsiderasyon. Ikaw ang umiintindi.

Oras na ng meryenda’t pagpapahinga nang napapansin mo akong hindi kumakain, napansin mo rin ang pagkalam ng aking tiyan, hindi ka nagdalawang-isip at nag-atubiling bigyan ako ng dalawang supot ng biskwit na mismo sanang iyong pagkain.

Palubog na ang araw nang masulyapan mo ako sa gilid ng daan sa labas ng paaralan, naiiyak na sa kahihintay ng masasakyan. Dali-dali mo akong pinuntahan, pinasakay sa pedicab at binigyan ng pamasahe. Huling sambit mo nga, “Al mag-ingat ka, magpakabait ka ha!” sabay ngiti sa akin habang papalayo na ang sasakyan sa iyo. Dumating ang araw nang ako’y nagkasakit, nang ako ay nagkalagnat di ka mapakali sa paghahanap ng gamot, mismong ikaw pa nga ang nagpakain sa’kin ng mainit at malinamnam na lugaw. Sa bawat pagsubo mo sa akin, dama mo ang aking nararamdaman. Kitang-kita ko sa iyong mga mata ang labis na pagkalungkot at pag-aalala. Hindi ka umalis. Hindi mo ako iniwan. Hindi mo ako pinabayaan.

Dumating ang araw ng pagtatapos sa ika-4 na baitang, ako ay tumuntong sa entablado hawak ang kumikinang na pilak na medalya. Habang hawak ko ang medalya tumingin ako sa aking magulang at sa iyo, ikaw ay ngumiti at napaiyak. Ang saya-saya ko.

Bilang isang muwang na bata napagtagumpayan ko at naabot ang isang pagkilalang hindi mapapalitan ng isang luho’t materyal na bagay. Napagtanto ko at naalala ang lahat ng pangyayari — lahat ng tulong mo, lahat ng awa at pag-aalala, lahat ng kawanggawa, hindi ko maaabot ang parangal at pagkilalang ito kung wala ka sa tabi ko. Kung hindi mo ako ginabayan. Kung hindi mo ako inantabayanan.

Matapos ko itong makuha ako’y tumakbo sa iyo at niyakap ka nang mahigpit at nang buong puso. Tumulo sa aking mga mata ang isang luhang bunga ng saya’t iyong pagmamahal sa akin. Tinapos ko ang buong taong puno ng masasayang alaala kasama ang aking mga magulang, aking mga kamag-aral at ikaw.

Ikaw ang isa sa nagsilbing inspirasyon ko, nagbigay motibasyon at lakas upang magpatuloy at di tumigil sa hamon ng buhay. Bukas-palad mo akong tinanggap at inaruga.

Ngayon, nandito na ako sa sekondarya’t malapit na akong magtapos sa ika-10 baitang at magpatuloy sa Senior High School. Hanggang ngayon hinding-hindi kita makakalimutan. Parte ka ng lahat ng aking napagtagumpayan sa buhay. Ikaw ang humubog sa aking pagkatao.

Salamat po sa lahat, “Aking guro, aking bayani.”

Salamat aking ina.

(Al Kristian Lou V. Presente | Diocese of Tagum)

No Comments

Post A Comment