Pagtataling Puso

Pagtataling Puso: Growing Old with the Right Choice

Pagtataling Puso“Loves na loves pa rin kita
Kahit bungi bungi ka na
Para sa akin ikaw pa rin
Ang pinakamaganda
O kay sarap isipin
Kasama kang tumanda.”

Ang pagpili ng bokasyon sa buhay ay di nga madaling gawin. Minsan natagpuan mo na, magdadalawang-isip ka pa. May gf/bf na nga, maghihiwalay mayamaya. Nasa seminary na, lalabas naman bigla. Ngunit sabi nga ng isang manunulat, normal lamang daw ang ganitong pakiramdam. Part of making life’s choices, ika nga.

Araw-araw tayong namimili: kung ano ang ating kakainin, susuotin, at sino ang ating sasabayan. Halos araw-araw may ikinakasal, kay Kristo man o sa tao sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Anuman ang rason, ang buwan ng Hunyo pa rin ang pinakapopular kung saan marami ang nagpapakasal. Di gaya sa ibang bansa, malaya ang Pinoy na mamili sa kanyang gustong isama pagtanda.

Sa pag-init uli ng usaping Divorce, isang statistics ng kasal sa US nuong 2014 ang nagsasabing dumoble ang divorce rate kumpara nung dekada 60. Mas maaga din nilang (Amerikano) pinapasok ang pag-aasawa dati. Ang median age ng lalaking nag-aasawa ay 23, at ang babae naman, 20. Sa ngayon, 28.3 taong gulang na ang mga lalaki, at 25.8 naman ang mga babae.

Bumaba rin ang numero ng mga nagpapakasal ng mahigit 50% sa bawat 1,000 babae mula 1970-2010.

Sa kabilang dako, ang mga mag-asawang nagseserbisyo sa Simbahan at ginawa si Jesus na sentro ng kanilang pagtataling puso, lumabas na mas kuntento at mas masaya.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya kung saan ang edad ng nagpapakasal ay mula 16-45 taong gulang, samantalang sa Africa, 3-14 taong gulang ay puwede na.

Nakakabahalang malaman na sa isang Katolikong bansa, kalahati sa ikinakasal ay hindi ginaganap sa Simbahan. Isa lang sa kada tatlong magnobyo ang pinipili ang Simbahan; madalas ay sibil. Halos 50% nang ikinasal sa taong 2010 ay civil rite; 35% naman sa Catholic rite (National Statistics Office 2010).

Ayon kay Clifford Sorita ng Veritas Truth Survey (VTS), maaring bumaba ang bilang ng kasal sa Simbahan sa Pilipinas, dahil magastos ang tingin nila sa pagpapakasal. Humigit-kumulang P100,000 na raw kase ang budget para dito. Ilan din sa mga posibleng rason ay ang paglilive-in, paglipat sa ibang relihiyon, at problema sa dokumento.

Ganunpaman, sabi ni Abp. Emeritus Fernando R. Capalla, kailangan nating palawakin at intindihin ang isyung ito. “We have to understand the economic side of family life. And many times the spiritual and moral values are not being paid attention because of the economics, you know, the survival of the people…that’s why we have to understand where the people are, and not make judgments yet. You better know them.”

Ilang solusyon na binibigay ng Simbahan ay ang Mansibado at Community wedding. Ayon kay Msgr. Francis Lucas, Episcopal Commission on Social Commissions and Mass Media, “Halos lahat ng parokya sa Pilipinas ay ginagawa ito…It depends on how they want the wedding done. Ang kaso marami sa atin gusto espesyal, eh siyempre, mahal.” (gmanetwork.com)

Gayunpaman, sa Archdiocese of Davao, halos 4,000 ang naitalang nagpakasal sa mga parokya nuong 2014. Sobra 100 nito, mixed marriage. Hindi nga biro ang magpakasal sa ngayon. Kaya naman mas maiging maintindihan ang buhay pag-aasawa. Ihanda ang spiritwal, emosyonal at pinansyal na aspeto ng buhay.

Isang taon nang ikinasal si Kim at Chuck Anuta. Ayon kay Kim, “Tinuruan akong maging selfless ng pag-aasawa. Sa bawat desisyon, kailangan ko palang pakinggan ang say ng aking partner.”

Mahigit isang linggo palang nang ikinasal si Arnold Sanico kay Nich ng Light of Jesus Community (LOJ).

Mahalaga para sa kanya ang ikasal sa Simbahan. “Laking Simbahan ako. Dream ko talaga ang makasal sa San Pablo Parish. Parang walang silbi ang buhay ko if I will not respect the sanctity of marriage in the Church. Ngayon, may kasama na akong nagseserve, may added support. Sa edad na 40, masasabi pa rin niyang, “God’s timing is always the right timing.”

Single pa si Shannelle Paracha ng Focolare movement, ngunit sa natunghayang kasal ng kuya, napagtanto niyang, “Ang kasal ay tunay ngang pag-iisang dibdib ng dalawang taong pinagbuklod ng Diyos, at kamatayan lang ang makakapaghiwalay sa kanila.”

Para sa 35-taon nang madre na si Sr. Mary Angela Dejucos, OSB, bokasyon ang pag-aasawa. “Ito ay misyon din sa Simbahan. Kung tinawag ka ng Diyos na mag-asawa, ibig sabihin tinawag ka ding maging responsableng Kristiyano. Pareho lang lahat. It’s a commitment to God.”

Si Teofilo Calderon, PSL ng GKK sa Mulig, Toril, pinakasalan ang kapitbahay na si Rosalia. “Seventeen siya, ako naman 24 nuong nag-asawa kami. Anim ang anak namin. Andami na naming pinagdaanan. Nagkasakit ako. Tinulungan kami ng parokya. Naggulayan kami para makapag-aral ang mga bata.” Sa ika-50 anibersaryo ng kanilang kasal ngayong September 25, isang aral ang nais niyang ibahagi: “Kailangan buhay ang pag-ibig, dahil pag totoo ito, hindi ito mamamatay.”

Bawat pagtataling puso, may kwento. At kapag sigurado ka nang Tao ang pakakasalan mo, iniiwan sa atin ni Winifredo Nierras (I Do…Till Death Do We Part) ang 4 na tanong na ito:

  • Mahal ko ba ang taong ito ng buong puso, at di na ako maghahanap ng iba pang kaligayahan?
  • Magkahalintulad ba ang aming paniniwala, mga gusto, ambisyon, pagtingin sa tama at mali, at pamumuhay?
  • Kanais-nais ba siya sa aking paningin?
  • Nakikita ko ba ang sarili kong kasama siyang tumanda?
No Comments

Post A Comment