‘Dahil Minsan Lang Sila Bata’
Doktor. Nars. Titser. Sundalo.
Ito ang kadalasang sagot na makukuha sa mga bata. Minsan ka lang makakarinig ng mga ambisyong magpapari at magmamadre. Bakit kaya?
Sa pagdalaw ng ating intern sa pista ng St. Joseph Parish (Sasa), nakita niyang nagsaya ang mga anak ng mga nagsisilbi sa Simbahan. Iyon ay isang paraan upang mapalapit ang mga bata sa Simbahan. Malaking tulong pag si Nanay at Tatay ang aakay kay Bunso. Halimbawa na lamang, sa araw-araw na pagpasok nito sa Flores de Mayo. Di raw kumpleto ang “childhood days” kapag di mo ito napagdaanan.
Sa ating cover photo, masayang ibinahagi ng mga kabataan ng St. Francis of Assisi Quasi-Parish, Laverna ang kanilang talento sa pagtugtog sa Family Life Apostolate (FLA) Assembly. Malayo pa ang maabot ng ngiti ng batang ito, malay mo paglaki, sa kumbento.
Nung kabataan ni Padre Pio, tinawag siya ng kanyang tatay at tinanong: Hindi ba marapat lamang kung ikaw ay maging isang relihiyoso? Sa tulong ng magulang, payak man ang pamumuhay, isa siya sa mga tinitingalang Santo ng ating kasaysayan.
Mahalaga ang kwentuhan sa hapag-kainan. Tagline nga ng isang TV ad: Fa “mealy” Day.
Si Hesus ibinahagi sa mga apostoles ang kanyang mga gustong mangyari sa hapag-kainan.
Ang iniwan n’ya sa atin, “Banal na Eukaristiya”—hapag-kainan.
Kaya saan nga ba tayo magkikita-kita, mag-uusap-usap?
Sabi ni Monica Castillon ng San Antonio de Padua Parish. “Mahalaga ang komunikasyon sa pamilya upang makita ng mga magulang ang paglaki ng kanilang mga anak at maibigay kung ano man ang kulang.” Sumasang-ayon dito si Crizel Lovitos ng Virgen delos Remedios Parish. “Magiging malalim ang relasyon kapag bukas ang komunikasyon,” sabi pa ng lector na si Ella Cornella ng St. Jude. Sabi ni Ivy Madrazo ng GKK San Francisco de Asis, Virgen Dolorosa Parish-Babak, “ang pag-uusap sa kapamilya, susi upang malaman ang tunay na nangyayari sa loob ng tahanan.”
Hayaan nating maglaro ang bata. Sige lang nga raw sa “mantsa,” di ba?
Turuan natin ang mga bata ng tama.
Sa panahong halos hindi na nag-uusap ang mga tao dahil sa mga gadgets, may mga aral pa rin tayong matututunan sa kanila. Isang beses lang daraan ang parteng ito ng kanilang buhay. Kausapin natin sila. Ibalik natin sila sa lamesang walang balakid.
Ibalik natin sila sa Simbahang libre ang “kumain” at maging isang Jesukristo sa iba.
Buksan natin ang kanilang mga mata sa tunay na kahulugan ng pagmamahal at bokasyon. Ibigay natin ang isang masayang mundo sa kanila—dahil minsan lang nga sila bata.
No Comments