60 Years of Grateful and Joyful Journey with Mary as a Caring Eucharistic Community
Sa pagdiriwang ng ika-60 Kapistahan at Pagkakatatag ng Parokya ng Mahal na Birhen ng Assumption ng Arkidiyoses ng Davao, nais naming ibahagi ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa parokya sa loob ng animnapung taon.
“NAGDAYEG ANG AKONG KASINGKASING SA GINOO. UG NAGMALIPAYON ANG AKONG KALAG TUNGOD SA DIYOS NA AKONG MANLULUWAS (Lukas 1:46-47)”. Ito ang mga kataga o awit na namutawi sa bibig ng Mahal na Birheng Maria. Ito ang kanyang tugon sa pagtawag at pagpili sa kanya bilang ina ni Hesus na anak ng Diyos, ang ating Manliligtas. Mararamdaman natin ang kanyang galak at pasasalamat na buhat sa puso. Ang kanyang galak at pasasalamat sa Diyos ang naggabay sa parokya sa loob ng animnapung taon. Batid natin na hindi naging madali ang pagtataguyod ng parokya lalo na sa simula. Maraming pangangailangan at mga pagsubok na dinaanan ang mga unang nagsimula ng parokya. Nguni’t sa patuloy na biyaya ng Diyos at patnubay ng Mahal na Birhen Maria hindi sumuko ang pamayanan ng Parokya ng Assumption.
Sa pangunguna ng Obispo, Kaparian, relihiyosa kasama ang mga laiko patuloy na hinarap ang pagtataguyod ng Pamayanan ng Diyos sa Parokya ng Assumption. Ang nagpatibay sa bawa’t isa ay mismo si Hesus na palaging kasama sa paglalakbay ng parokya sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Si Hesus kasama ang kanyang Inang Maria ang parokya ay patuloy na tumubo sa pagmamahal at pagmamalasakit sa bawa’t isa.
Nawa sa pagdiriwang natin ng ika-60 taon kapistahan ng Our Lady of the Assumption patuloy na mamutawi sa ating bibig at puso ang galak at pasasalamat sa ating Diyos na Mapagpala.
Ang inyong lingkod,
Fr. Hermie F. Garcia, sss
Parish Priest
No Comments