Ang Filipino: Wika ng Saliksik
Agosto, ang buwan ng pagdiriwang ng Wikang Pambansa. Ito ay taunang ginagawa upang bibigyang pugay at halaga ang pagkakaroon ng iisang wikang nagbubuklod sa lahat ng mga Pilipino hindi lamang dito sa bansa ngunit maging saanmang sulok ng mundo. Bagama’t malakas ang hatak ng pagbabago sanhi ng napakabilis na modernisasyon, ang paggamit ng sariling wika ay lalong binigyang diin nang mapagtibay ang pagkakakilanlan ng ating lahi.
Sa taong ito, ang tema ng pagdiriwang ay Filipino: Wika ng Saliksik. Ito ay nagpapahayag na ang wikang sariling atin, ang Filipino ay mainam na instrumento sa mahusay na pananaliksik (research). Ang pananaliksik ay pagtuklas at pagbuo ng mga kaalamang magagamit sa pagpapabuti ng ating kalagayan na ang mithiin ay umunlad sa larangan ng ekonomiya, edukasyon, pamamahala at kalagayang panlipunan.
Hindi lingid sa ating kaalaman, ang dagliang pagbabago ng napakaraming bagay sa mundo, kaya napakalaking hamon ang pagsasagawa ng pananaliksik at ito ay isinusulong upang magkaroon ng matibay na basehan sa pagsagawa ng mga bagay-bagay, pagpapatupad ng layunin at paghusga ng isang pangyayari.
Ang paggamit ng sariling wika bilang mga Pilipino ay higit na nakabubuti sa pagpapaunlad ng ating kaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik. Ang paghahatid ng detalye at kaisipang bunga nito ay magiging kapaki-pakinabang kapag ito ay nailahad sa wikang Filipino.
No Comments