Buwan ng Wika ginunita sa TNHS
Ang Mataas na paaralan ng Talomo (Talomo National High School) ay isa lamang sa mga pampublikong paaralan dito sa Dabaw na nagdiwang ng “Buwan ng Wika.”
Ayon kay Gng. Shiela Bracamonte, ang Pangulo sa asignaturang Filipino, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay may linggohang tema maliban sa pangkalahatang tema, “Wikang Mapagbago”.
Upang mas maging masaya ang selebrasyon, ginanap ang iba’t ibang uri ng mga patimpalak. Sa unang pagkakataon, nanguna rito ang “Pananaliksik sa Kasaysayan ng Pilipinas” na may anim na mga kalahok at ang pangalawa naman ay ang “Pagsasalin sa Wikang Pilipino” na may sampu (10).
Nagwagi sa unang gantimpala sa unang patimpalak si Fe Andal mula sa pangsampung baitang seksyon Dagohoy at sa ikalawang patimpalak naman, nanalo sa unang gantimpala si Lea Mae Maestre sa ikawalong baitang seksyon Cashew.
Ayon kay Fe Andal, maliban sa kanyang pagkapanalo, marami rin siyang natutunan dito kagaya ng paggamit sa iba’t ibang teknolohiya at pagpapaunlad sa kanyang nalalaman tungkol sa kasaysayan ng ating wika.
Para kay Jonalyn Estrera na isang kalahok, ang selebrasyon sa Buwan Ng Wika ay naging masaya sa kabila ng kahirapan sa mga bagong patimpalak.
Ayon naman sa pangulo nang paaralan, ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika ay matagumpay na nailunsad na walang abala sa mga klase.
Sa bisa ng Batas Komonwelt Bilang 570 noong taon 1946, nabuo ang pambansang wika upang mapagkaisa ang buong bansa. Ito’y nagsimula sa pangunguna ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1935.
Batay sa kasaysayan, si Pangulong Sergio Osmeña ang pinakaunang nagdeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Ito’y nagsimula mula 1945 hanggang 1946 na ginugunita tuwing ika-27 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril alinsulod sa Proklamasyon Bilang 35 na natuon naman sa kaarawan ni Francisco Balagtas, ang kilalang Tagalog na manunulat. Subalit noong 1954, iniusog sa ika-29 ng Marso hanggang sa ika-4 ng Abril ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Sa panahon naman ni dating Pangulong Corazon Aquino, nilagdaan naman nito ang Proklamasyon Bilang 19 na nagpapatibay sa selebrasyon ng Linggo ng Wika sa Agosto 13 hanggang 19.
Sa panahon naman ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, naisakatuparan ang ang Proklamasyon Bilang 1041, na ang selebrasyon ng Buwan ng Wika ay magaganap sa buong buwan ng Agosto.
Sa kasalukuyan, ang Komisyon sa Wikang Pilipino (KWF) ang punong abala sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Sa taong kasalukuyan 2017, ang tema ng Buwan ng WIka ay, “Wikang Mapagbago” batay sa kautusan ng nasabing Komisyon. (Edgar V. Floresca)
No Comments