‘Mahal ko ang work ko’ – Certified K9 handler (Part 2 of 2)
Heto na ang pangalawang yugto ng interview ni Jethro James Fernandez kay Mr. Arvin G. Sierra. Si Mr. Serra ang kasalukuyang K9 Chief ng Davao Central 911 mula 2010. Ang mga larawan ay kuha sa AFS Creative Studio.
JETHRO: Nakakaramdam ka din ba ng stress sa trabaho?
ARVIN: Nastress siguro ako sa mga taohan ko pero sa mga aso ok naman sila. Mas mahirap kasi itrain yung mga dog handlers kesa sa mga aso.
Masmasaya ako kung kasama ko yung mga aso. Sa totoo lang, nawawala yung stress ko kapag nagtetrain ako ng mga aso. Kaya I don’t find dogs as stressors.
ME: Ano feeling mo kapag nagwowork ka with dogs?
ARVIN: Una, I feel great kung na-achieve ng aso mo yung tinuro mo sa kanya. Parang feeling mo “hero” ka kapag may natutunan yung aso mo, lalo na kapag naabot mo ‘yung goal mo sa dog training. Kasi mahirap din yung magtrain ka ng aso, kasi hindi masyado nila naiintindihan tayo, usually binabasa nila tayo through body language.
You really have to make sure na mataas ang pasensya mo na di mo sinasaktan ang aso kapag nagtrain ka sa kanya. Minsan din masakit kapag dumating sa punto na namamatayan ka ng alaga mo. S’yempre kasama mo araw-araw tapos biglang mawala.
Tapos sobrang nakakamiss din yung makita mo yung pictures ng mga alaga mo. Masaya naman din ako ngayon kasi full support ang misis ko sa aking trabaho kasi isa din siyang dog lover. In fact, ang wife ko ang “salarin” kung bakit naging ganito ako ngayon. Very supportive talaga siya, andyan siya sa lahat ng ginagawa ko. Talagang naniniwala ako 100% na ang “every success of a man, behind it there is a woman”.
ME: Anu-ano ang natutunan mo bilang isang Dog trainer?
ARVIN: Isa sa tinuro nitong dog training sa akin ang madevelop ang “pasensya”. Naniniwala ako na hindi lang love ang trait ng isang dog lover or dog handler, kundi importante din na meron siyang patience. Kasi kung wala kang patience, baka in the end maggive up ka lang or baka saktan mo yung aso mo. Tsaka, importante din yung tinitignan mo yung health ng aso mo para mas longer ang lifespan niya.
ME: Ano sa tingin mo ang pinakamahirap sa Dog training?
ARVIN: Yung mawalan o mamatayan ka ng alagang aso lalong lalo na kapag kasama mo din siya sa work. Nakarecover lang ako noong nagkaroon na ako ng bago aso matapos mawala yung una. Mahirap talaga kasi hindi mo na maibabalik pa ang buhay nila after their death. Kaya sa tingin ko, naka recover lang ako noong nagtrain ako ng bagong aso in which hinigitan ko pa ang pagtuturo ko sa kanya.
ME: Paano mo pinakilala sa family mo lalo na sa mga anak mo yung mga aso?
ARVIN: Siguro sa nakikita nila sa nature ng work ko. Noong una di ko sila pinapahawak ng aso at pusa but then eventually later on sinubukan din nila hawakan at magalaga ng kanilang aso. Actually di ko talaga pinilit ang mga anak ko na maging dog lover. In fact, yung panganay ko nga gustong-gusto niya maging veterinarian, kahit mahal na kurso susuportahan ko parin siya.
ME: Ano masasabi mo sa Davao in terms of pets raising?
ARVIN: Actually, talagang popular ang Davao when it comes to pets eh. ‘Yun nga lang sa tingin ko medyo hindi pa mature enough ang mindset ng mga taga Davao when it comes to pets “For Fun”. Kasi ang nangyayari, sa napapansin ko, parang nagiging very competitive mindset ang mga tao. Minsan sinasabi pa nga “eto aso ko, mahal bili ko nito, may papers to sakin” blah blah. ‘Yun sana na mindset eh dapat matanggal. Sasabihin nga natin mahal yung aso mo, pero ang tanong “ano gamit mo sa aso mo?” Nagiging useful ba siya? or baka nagiging palamuti nalang para may mapagyabang mo sa mga kaibigan mo? Kasi kahit anong breed ang aso mo may papers man o wala, mahal o mura, p’wede mo siyang isali sa mga dog show competition, sports, or fashion show. Basta ang importante tanggapin natin kung matalo tayo o manalo.
“As long as we are having fun. ‘Yung tipo na gusto ko ituro sa mga dog lovers na pantay-pantay lang tayo, hindi yung nagsisiraan. ‘Yang mga aso actually, para na rin nating mga anak, di natin binubully kahit pangit o maganda. Wala naman talagang pangit na aso, lahat para sa atin maganda sila kahit sabihin pa ng ibang tao na pangit yung aso mo. Basta walang basagan ng trip!”
ME: How is Davao when it comes to dog show competitions?
ARVIN: Number 1 talaga ang Davao pagdating sa larangan ng dog agility. Kahit nga yung ibang city nahihirapan sa atin. Last two years ago nga nagchampion ako at yung kaibigan ko from Davao din sa dog agility.
ME: Paano mo na manage ang oras mo bilang isang ama, husband, chief sa K9 unit ng 911, at dog trainer?
ARVIN: Mahirap yun! Pero para mamanage mo ito lahat importante talaga na may asawa ka na nakakaintindi sayo. Kasi kung wala kang asawa na ganu’n, mahirap talaga baka ‘yan pa ang cause na pagaawayan ninyo. Thankfully, yung number 1 na pet lover talaga is ‘yung misis ko. Parang na nahawa o “navirusan”lang ako sa kanya.
ME: Ano yung future plans mo sa career?
ARVIN: Siguro pagdating ng panahon, gusto ko magsimula ng sarili kong “DOG SCHOOL”, magtrain ako ng madaming dogs and trainers. Balang araw din gusto ko magconduct ng madaming seminars and trainings tungkol sa dog obedience. Kasi habang tumatagal, tumatanda tayo diba? So, masasayang din yung knowledge ko kung hindi ko ituturo sa mga kabataan or younger generations.
ME: Ano message mo para sa mga dog lovers sa Davao at buong Pilipinas?
ARVIN: Pinaka importante talaga na bilang isang dog lover, alam mo pa’no magtrain ng aso.
Kasi mas maging madali yung pagiging dog owner mo kung alam mo ituro ang basic obedience and disiplina sa aso. Dapat din na intindihin natin ang aso, huwag ang aso ang iintindi sayo.
No Comments