Paglalakbay
Dear KNOT,
Bahay-eskwela-bahay. Iyan ang kinalakihan kong buhay.
Pag sinisipag si Mama nakakapunta ng Simbahan para dumalo sa misa.
Ako si Japee. Sa edad na kinse, naglayas ako, baon ang kakapiranggot na pera, 60 pesos to be exact. Umabot ng Maynila ang paglalayas ko.
Napadpad sa kung saan-saan. Pero kahit minsan di ko naranasan ang magutoman at mapariwara sa tuwina. May mga taong nakakasumpong at umaaruga kase sa akin.
Fast tract. Nakapagtrabaho, nagkapera at nakatira sa maayos na apartment. Ngunit dumating sa puntong nakadama na ng kahungkagan — may kulang sa buhay ko. Nasumpungan ko na lang ang sarili ko na nasa loob na ng Simbahan sa Grace Park, Caloocan.
Mula noon, naghanap ang puso ko ng matatawag kong tunay na tahanan. Nakilala ang Blessed Sacrament Fathers, at pumasok sa Piarist Fathers. Lumabas at umuwi sa amin. Ligalig pa rin ang aking kalooban.
Nagsimulang magsilbi sa aming Simbahan. Ang Holy Cross. Ibinahagi ang mga karanasan at natutunan, hanggang isang araw nakilala ang Philippine Catholic Lay Missionaries (PCLM), nahiyakat at tumugon sa imbitasyon na pormasyon dito sa Davao.
Ang paglalakbay ko sa buhay na ito ay di pa tapos. Nag-uumpisa pa lang at di pa tanaw ang kahihinatnan.
Nasa misyon pa rin sa kami. Hawak ko lang ngayon ang pananampalatayang lahat ng ito ay tungo sa tahanang nakalaan ng Diyos para sa akin.
Kasabay ng taimtim na panalangin, buong pagpapakumbaba kong tatahakin ang landasin tungo sa pagsunod sa daang tinahak ni Kristo.
Upang kaipala masumpungan ko ang tunay na tahanang hinahanap ng puso ko, at doo’y tuluyang mananahan ng walang hanggan, dahil ang Diyos na aking kinakaligtaan ay ni minsan ay di ako kinalimutan. Hindi ko pa alam ang haba ng lalakbayin ko. – Jasper A. Purazo, Holy Cross Parish, Calumpang, General Santos City
* * * * * *
Salamat Japee. Si Lord nalang ang bahala. ‘Til next kwentuhan, higala. Tune in tau sa DXGN 89.9 Spirit FM lage, 1-3 pm, KNOT with DJ Angelize, 5pm – KASIKAS at 6 pm – Youth Camp. – Cheng Vilog
No Comments