Iba na ang Handa
Hatid ng Easter season ang pagnanais na tayong lahat ay magbalik-loob sa Diyos. Alamin natin ang isang kwentong nagpabago sa pananaw ni Jennika Patricia M. Rabe ng Philippine Women’s College of Davao ukol sa panalangin.
Dear KNOT,
Minsan nasasabi ko sa sarili ko na nag-iisa ako. Hindi naman mag-isa sa buhay kundi mag-isa pag may summer class. Wala kase sina mommy at daddy. Nasa probinsiya sila upang magtrabaho nang may makain kami. May kuya ako ngunit nagtatrabaho din siya. Kaya’t mag-isa lang ako sa kwarto ko tuwing gabi.
Isang araw, pag uwi ko galing sa eskwelahan, dumiretso ako sa pagtulog. Pakiramdam ko lumulutang ako sa himpapawid sa sobrang himbing at gaan ng tulog ko.
Babangon sana ako pagkalipas ng isang oras, ngunit ang sakit na ng katawan ko. Pakiramdam ko ay inapakan ang buo kong katawan. Gising ba ako? Panaginip lang ba ito? Parang gising ang utak ko ngunit patay ang buo kong katawan. Ito na ata ang bangungot. Sambit ko, “Diyos ko, ayaw ko pong mawala sa mundong ito. Masyado pang maaga. Marami pa akong tungkulin dito at mga serbisyong iniaalay sa iyo.” Pagkatapos kong magdasal, ginawa ko ang lahat. Sinubukan kong buksan ang aking mata ngunit lalo lang sumakit ang aking katawan. Kaya’t pinili kong kumalma. Kinausap ko uli ang Diyos. Nagdasal ako ng nagdasal na sana ay huwag muna niya akong kunin pa. Ang dami ko pang p’wedeng magawa rito. Hindi ako tumigil. Tinawag ko siya mula sa kaloob-looban ng buo kong pagkatao. Naisip ko sina mommy, daddy, kuya, at mga mahal ko sa buhay. Ganito pala ang pakiramdam kapag hindi pa ready mamatay.
Di ko namalayang nakatulog na pala ako sa kaiisip at kakadasal. Pagmulat ng aking mata, nakaposisyon na akong parang nasa loob ng kabaong. Tuwid na tuwid ang pagkakahiga. Ngunit natuwa ako sapagkat, buhay pa ako. Makakasama ko pa ang aking mga mahal sa buhay at magagampanan ko pa ang aking tungkulin bilang anak, estudyante, at higit sa lahat, bilang tao. Talagang mahal ako ng Diyos. Mula nga noon, lagi na akong nagdadasal lalo na bago matulog at pagkagising. Salamat po. – Jennika
***
Salamat Jennika sa pagpapaalala sa amin na ang buhay ay hiram lamang at maaaring mabawi ng Maykapal anumang oras.
E-mail your stories. Tune in to DXGN 89.9 FM daily, 1-2 PM, KNOT with DJ Angelize. ‘Til next kwentuhan higala! – Cheng Vilog
No Comments