Bukol ni Student JP
Dear KNOT,
Ako si JP, 19 years old. Criminology ang kursong kinukuha ko. Bata pa lang ako ay active na ako sa kapilya. Hanggang sa maging youth na. Ang ninang ko ang laging gumagabay sa akin. Si mama dating katulong nila papa, pero ibang kwento na naman yun. Ang akin talaga bilang panganay sa 5 magkakapatid, kailangan kong makagraduate kaagad para makatulong sa kanila.
Kina lola kami lumaki pero may hindi pagkakasunduan na nangyari kaya lumipat kami sa Mati. Ang hirap ng buhay duon kumpara dito kasi dito na kami lumaki. Change of environment kasi. Kaya nung nag first year ako, nakiusap ako kay lola na dito na sa Davao City mag-aral. At nagkatotoo naman.
Dito ako sa Davao pag weekend, at maya-maya ay umuuwi ako.
Isang araw, sumakit nalang bigla ang aking lalamunan. Parang may bara at bukol sa leeg ko. Sinabi ko kay mama at nagpa check up kami. Goiter daw at kailangang operahan. Duon ako nalungkot. Naghihirap kasi kami pagkatapos ang laki ng gastusin sa operasyon para sa isang bukol.
Umiyak ako dahil kapag may operasyon, hindi na pwedeng maging pulis. Paano na ang pangarap kong ipagtanggol ang mga naapi at makipaglaban sa mga masasama?
Isang buwan kong dinala ang worry na yun, nag-ipon nang pera si papa at mama. Akala ko wala nang tutulong sa amin, pero, nariyan si ninang at mga kasama namin sa kapilya, mga kapwa ko youth na nagsasabing, okay lang yan. Kaya mo yan. Matapos ang isang buwan, nagpa biopsy kami at salamat sa Diyos, benign naman daw at malulunasan ng gamot.
Nagpapatuloy ang aking check up DJ Cheng. Ngayong week, uuwi na naman ako ng Mati para magpa check up. Ang takot ko naman, ay baka ma COVID ako sa aking pagbibiyahe. Pangalawang nasa utak ko, ano ba itong predictions na naririnig ko mula kay Nostradamus, ito kasi ang usap-usapan sa ibang bansa ngayon?
Salamat sa mga sagot.
Nagmamahal,
JP
* * * * * *
Dear JP,
Kahanga-hanga ang iyong pangarap na magiging pulis na ang layunin ay ang pagserbisyo, makapagtanggol sa mga naapi at labanan ang kasamaan. Ang inyong kursong Criminology ay hindi lamang nalimitahan sa pagiging pulis. Hindi lang naman ito ang paraan upang makakapagsilbi ka sa kapwa. Sakaling balakid ang iyong pagkakaroon ng operasyon, maari kang magtrabaho bilang imbestigador, forensic officer, detective, social worker, human rights officer or researcher. Makapagsilbi ka pa rin. Alalahanin mo, ang panindigan sa katotohanan at hustisya ay laging hamon sa serbisyo kahit anong landas ang tatahakin mo.
Huwag mawalan ng pag-asa. Alam ng Panginoon ang iyong mga pangangailangan. Di ba pinadala Niya ang tulong sa iyo sa pamamagitan ng iyong ninang, mga kasamahan sa simbahan? Nagpapatunay lamang ito na hindi ka talaga Niya pinapabayaan.
Lahat tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok sa buhay na kung saan ay hindi maiwasan ang takot. Magtiwala ka sa Panginoon. Tutulungan ka Niyang maging higit na malakas at higit na malaki sa takot na iyong nararamdaman, kahit ano pa ang mga nakasaad mula kay Nostradamus. Ang lahat na mga pangyayari ngayon, (COVID, bagyo, lindol, etc.,) anumang salot ang ating nararanasan ngayon, hindi pa rin natin tiyak kung kailan ang katapusan ng mundo. Ang Panginoon lang ang nakakaalam nito. Ngunit, sa kasalukuyan, ang bawat araw ng ating buhay ay gawing paghahanda at panatilihing malapit sa Diyos, iwas gumawa ng kasalanan; sa halip, gumawa ng kabutihan sa ating pagsisilbi sa kapwa.
God bless you.
Ate Emily Madrona
No Comments