Huni sa Pasalamat ng San Alfonso Ma. De Liguori Parish
Maraming salamat.
Ito ang mga salitang narinig ng ating Panginoong Hesus nang nagbalik ang isa sa sampung may sakit na ketong. Hindi naman naisaad sa Ebanghelyo ni San Lukas kung bakit nga ba hindi na nagbalik ang siyam. Ngunit ang sigurado, masaya si Kristo sa kanyang pasasalamat.
Ganito din ang karanasan ng mga parokyano ng Mandug. Sa kabila ng 17 taon na pagsubok, tagumpay naman ang kanilang baon sa tuwing matatapos ang taon. Ngayong December 21 at 22, muli na naman nilang ihahayag ang kanilang pagpapasalamat sa pamamagitan ng isang konsiyerto hatid ng Loboc Children’s Choir mula sa Bohol, singing priests ng Dabaw at ang kanilang mismong Children’s Choir.
Balikan natin ang kwento at sabayan natin sila sa kanilang pagpapasalamat sa Poong Maykapal.
Taong 1972 nang naitayo ang Our Mother of Perpetual Help Parish sa Bajada ng mga Redemtoristang misyonero (mula sa Congregation of the Most Holy Redeemer o C.SS.R.). Ito ngayon ay mas kilala bilang Redemptorist Church.
Umulan at umaraw, ipinakilala sa atin dito sa Davao ang debosyon sa Ina ng Laging Saklolo. Ang misyonerong pari ay nakarating sa Mandug at Callawa na nuon ay tahimik at konti pa lang ang nakatira.
Sa panahon ding ito, unti-unti nang lumipat ang mga homeowners ng Davao Development Foundation (DDF) Village, isang low-cost housing ng Mandug. Naging bahagi sila ng misyon ng mga Redemptorista.
Matapos ang sampung taon, dekada otsenta nang hatiin sa 3 ang parokya. Ito ay ang Upper Buhangin Barrios (UBB) na binubuo ng GKK sa Coog, Mandug papuntang Callawa at Katualan, DDF VILLAGE na may isang libong tahanan, at Lower Buhangin Barrios (LBB) na kagrupo ng mga GKK sa Bajada, Buhangin at Tigatto.
Kasama ang Redemptorist seminarians at Maryknoll Missionaries, naging sentro and DDF Chapel ng mga aktibidad gaya ng misa at pormasyon ng mga lideres ng GKK sa loob ng 20 taon.
Taong 1987, naitayo ang bagong parokya sa Buhangin at naging bahagi na nito ang GKK ng Panorama at Tigatto, kaya di na napabilang ang UBB at DDF sa Bajada, ngunit nagpatuloy na naging maganda ang relasyon ng mga parokyano ng Buhangin at Bajada.
Nagpatuloy ang bi-monthly GKK Masses, education at formation programs at ang misa kada Linggo sa DDF Chapel, katuwang ang isang Jesuit priest.
Pista nuon ng DDF taong 2000 nang ipaalam ni Arsobispo Fernando R. Capalla ang planong magkaroon ng bagong parokya sa DDF at UBB. Matapos ang survey at konsultasyon niya kasama ang mga Redemptorista, semana santa ng 2001 nang ituro nito si Fr. Leonardo “Bong” Dublan, DCD bilang administrador ng bagong parokya.
At dahil wala pang pangalan ang bagong simbahan sa Mandug, sa isang meeting ng mga lideres at ng isang Redemptoristang pari at mga seminarista, isang bata ang bumunot mula sa mga pangalan ng mga santo upang opisyal na ipangalan sa simbahan dito.
San Alfonso Ma. De Liguori ang nabunot na pangalan.
Si San Alfonso Ma. De Liguori ay ang founder ng Redemptorist congregation. Siya ay isang mambabatas na mula nang matalo sa isang kaso sa edad na 27 ay napagtanto ang bokasyon sa buhay – ang maging isang pari.
Pormal nang nagsimula si Fr. Bong sa kanyang tungkulin lalo na sa pag-organisa ng AdHoc Committee noong Hunyo 2001. Isa sa mga sub-committee nito ay ang Site Acquisition Committee dahil nga wala pang lupa para sa simbahan.
Nanirahan si Fr. Bong sa isang bahay sa DDF Village malapit sa Sagrada Familia GKK o DDF Chapel habang hinihintay ang pagpapagawa ng kumbento. Dahil nga wala pang imahe, ang mga Redemptoristang pari ang nagbigay ng mga larawan sa mga kapilyang sakop nito. Bago pa man ang pista nuong Agosto 2, 2001, isang imahe mula sa library sa Bajada ang nailipat sa kapilya.
Matapos ang termino ni Fr. Bong, pumasok si Fr. Benjie Nacario. Pagkatapos ay tumulong na rin ang mga paring diocesan gaya nila Fr. Nardz Vicente, Fr. Jimmy Gamboa, Mons. Mat Gorgonio, Fr. Henry Campeon, Fr. Toto Espana, at Fr. Edsel Paloma.
Pormal na dineklara bilang parokya ang San Alfonso – Mandug noong Hunyo, 2003 sa pamamagitan ng isang seremonya (Decree of Erection). Si Fr. Maximo Sarno, DCD ang unang kura paroko mula 2003-2006. Sa loob ng kanyang termino ay kanilang natanggap ang donasyong lote mula sa pamilya Lorenzo ng Lapanday Agricultural and Development Corporation. Tinulungan niyang maitayo ang meeting o seminar hall at mabigyan ng pormasyon ang mga katekista at lay ministers.
Hunyo ng taong 2006, si Fr. Loreto Bastasa naman ang pumalit sa kanya. Tinutukan ni Fr. Bebs ang pagpatayo ng bagong simbahan sa loteng ibinigay. Isang AdHoc Committee uli ang binuo upang magpatupad ng fund raising activities at pagdisenyo ng parokya. Nailunsad din sa kanyang panahon ang Lay Leadership Formation Program lalo na sa lahat GKK leaders. Matapos ang 3 taon, nakatayo na ang multi-purpose hall sa bago nitong site at nakatayo na rin ng pundasyon sa parokya.
Hulyo 4, 2009, inilipat na sa bagong parish seminar hall, bilang temporary site, ang mga sakramento ng San Alfonso Parish gaya ng misa at binyag. Kasabay nito ang unang novena mass para sa ikapitong pista ng parokya nuong Agosto 2, 2009 na may tema: Ang Katawhang Maamguhon, Malipayon ug Malamboon.
Matapos ang unang termino ni Fr. Bebs nuong May 2012, nakiusap ang mga parokyano na bigyan pa ito ng pangalawang termino. Pumayag naman si Abp. Capalla.
Pagkatapos ng 12 taong pagsisilbi sa parokya, sumunod kay Fr. Bebs, ang kasalukuyang kura paroko na si Fr. Jemasol “Jojo” Ortiz na galing sa parokya ng Malabog.
Sa ngayon, nakatayo na ang bagong parokya, nakalipat na rin ang mga parokyano mula sa parish seminar hall. Ngunit patuloy pa rin ang fund raising campaign upang matapos ang kisame ng parokya.
Kagaya ng nagbalik na may sakit, nagbabalik at nagbubunyi sa pasasalamat ang lahat ng naging bahagi ng proyekto ng parokya sa Mandug. Naniniwala ang lahat na ang pagpapasalamat ay simula ng pagbasbas sa mas marami pang biyaya mula sa Diyos, hindi lang sa ngayon kundi sa darating pang henerasyon.
No Comments