Buwan ng Wikang Pambansa Ipinagdiwang
Taon-taon, ang paaralang Ateneo ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang pagdiriwang na ito ay ginaganap tuwing buwan ng Agosto upang magbigay-pugay sa Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon.
Ang pagdiriwang sa Ateneo Grade School ay sinimulan noong ika-2 ng Agosto 2Ol7 na may temang “Filipino: Wikang Mapagbago”.
Kaalinsabay ng pagsisimula, nagkaroon ng pambungad na programa na dinaluhan ng lahat ng mga kawani ng paaralan na nakasuot ng mga kasuotang sumasalamin sa kulturang Pilipino.
Tampok sa programa ang iba’t ibang sayaw at awiting sariling atin at ipinamalas din ng mga mag-aaral ang kani-kanilang natatanging talento. Sa buong buwan ng Agosto ay nakikiisa ang lahat ng kasapi ng paaralan sa paggamit ng Wikang Filipino sa panahon ng pagmimisa araw-araw, sa lahat ng mga panalangin at sa pakikipagtalastasan.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng pangwakas na programa ang paaralan noong ika-25 ng Agosto 2017 na kung saan may iba’t ibang gawaing nakahanda sa bawat baitang. Kabilang sa mga gawaing ito ay ang masining na pagkukwento ng mga mag-aaral ng ikaanim na baitang para sa mga mag-aaral ng una at ikalawang baitang. Nariyan din ang mga larong Pinoy na lubos na kinagigiliwan ng mga mag-aaral, sayawitan, buklat-aklat at iba pang gawaing pansilid. Ang mga ito ay nagbigay sa mga mag-aaral ng pagkakataong maikintal sa kanilang puso at isipan ang kahalagahan ng pagmamahal ng ating sariling wika maging ang mga kultura at tradisyon nating mga Pilipino. (Mary Ann Hutiera | Ateneo de Davao Grade School)
No Comments