Esposo photo

Esposo: Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan

Esposo

Nagpapahinga si Artemio matapos linisin at ipagdasal ang mahal na kabiyak. Ito ay ginagawa niya sa loob ng 6 na taon. (Blaze Cantaros)

Kailan nga ba nagsisimula ang buhay mag asawa at kailan ba dapat ito magwawakas? Meron nga bang hangganan ito? O sadyang tadhana lang ang magtatakda nito? Ang buhay, anuman ang gawin mo, minsan hindi mo makakamtan ang talagang ninanais mo at dito masusubok kung hanggang saan at kailan mo ito nanaisin pa.

Ang ilalahad kong kwento ay tungkol sa buhay ni Artemio at Epifania. Nagkakilala sila mula sa magkabilang dulo ng Mindanao. Sampung taon ang agwat ng kanilang edad at kapwa nagmula sa pamilyang kailangang gumawa hindi lamang para sa sarili kundi para tustusan ang iba pang mga kapatid bago pa man ang sarili nila.

Naging makulay ang mga sumunod na araw at taon. Nagawa nilang pagsabayin an ang magkahiwalay nilang responsibilidad at ang paglalahad ng pagmamahal nila sa isa’t isa. Maaaring hindi katanggap tanggap sa paningin ng iba ang isang labing anim na taong gulang na babae na magmahal at mahalin ng isang dalawampu’t anim na taong binata. Para kay Artemio, simula ng makilala at mahalin niya si Epifania ay doon nagsimula ang kanilang buhay mag asawa, magkahiwalay man sila ng bubong, hindi pa man sila ikinasal at bumuo ng pamilya.

Para sa kanya, simula ng mahalin niya ito, yakapin ang buhay na meron siya at akuin ang responsibilidad niya sa lahat mapabuti lamang ang buhay ng mahal niya, tinuring niya itong simula ng buhay mag asawa. Lumipas ang mga taon at dumating ang araw na sila ay kapwa humarap sa altar upang pagtibayin ang kanilang pagiging mag asawa sa tulong at basbas ng simbahang Katoliko.

Dito sila nagsimulang bumuo ng pamilya sa isang matibay na pundasyon at magkasama sa isang bubong. Nagsimula silang mangarap at gumawa para sa katuparan ng mga ito. Lumipas ang maraming taon, sila ay pinagkalooban ng dalawang anak na babae.

Pinalaki nila ang mga ito ng busog sa pagmamahal. Pinag aral, pinagtapos at sinamaham sa kani kanilang buhay na tinahak. Ang buhay mag asawa para sa panganay na si Arlene at ang buhay na payapang mag isa para sa bunsong si Blaze. Lumaki ang kanilang pamilya kasabay ng paglaki ng kanilang pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisilbi sa kanilang parokya.

Ang mga sumunod na taon ay magkahalong tuwa ta lungkot, tagumpay at kabiguan, kalusugan at kahinaan.

Hanggang sa tuluyang dumating ang panahon na tinalo ng kanyang karamdaman si Epifania. Naiwanang mag isa si Artemio kasama ng kanyang dalawang anak na kailanmay hindi siya iniwanan. Piniling iwan ng kanyang bunsong anak ang buhay na meron siya sa Amerika upang makasama at maalagaan ang kanyang ama.

Sa kasalukuyan, patuloy na ini uugnay ni Artemio si Epifania sa araw araw niyang mga gawain. Dinadalaw at dinadalhan niya ito ng bulaklak sa burol nito dalawa o tatlong beses sa isang Linggo sa loob ng anim na taon ng nakalipas. Kasama pa rin niya sa silid ang mga gamit nito sa loob ng kanyang aparador na puno ng mga damit at gamit nito. Tinatahi niya kung anuman merong sira na makikita niya. Tumutugtog pa rin siya ng gitara o “keyboard” na parang nasa tabi lang niya si Epifania. Para kay Artemio, katawan lang ni Epifania ang lumisan, hindi ang alaala nito. Kahit kailan hindi niya pagsasawaang mahalin ito, alagaan ang pamilyang kapwa nila binuo at igagalang ang mga alaalang iniwan nito.

Ang buhay mag-asawa ay hindi natatapos kapag wala na ang isa. Ito ay magpapatuloy hanggang may pag ibig na natitira. (Blaze Cantaros | St. Joseph the Worker Parish, Sta. Cruz)

No Comments

Post A Comment