SSS sinisigurong walang isyung ligal sa pagpapatupad ng P2,000 dagdag-pensyon
Nais ng Social Security System (SSS) na hindi magkakaroon ng problemang ligal ang pagpapatupad ng P2,000 karagadagng pensyon kaya iminungkahi ng ahensya na ipatupad ito sa dalawang panahon. Sa ganitong paraan, mananatiling buhay ang pondo ng SSS kasunod ang mga panukalang-batas na isinusulong nito.
Dumalo ang mga kinatawan ng SSS, sa pamumuno ni Social Security Commission Chairman Dean Amado D. Valdez sa pagdinig ng P2,000 dagdag-pensyon sa House Committee on Government Enterprises and Privatization na pinamumunuan ni North Cotobato 1st District Representative Jesus Sacdalan noong Nobyembre 15.
Sa pakikipag-usap sa mga miyembro ng komite, hiniling ni Valdez na magpasa ng isang resolusyon ang komite, sa halip na isang batas, sa pagpapatupad ng dagdag-pensyon para maiwasan ang “ligal na isyu batay sa prinsipyo ng non-impairment of contracts o paglabag sa isang kontrata.” Obligasyon ng SSS na bayaran ang mga benepisyo ng mga miyembro nito pati ang kanilang mga benepisyaryo sa panahon ng kagipitan sa pananalapi tulad ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, at kamatayan.
Sinuportahan ni SSS Chief Legal Counsel and Senior Vice President for Legal and Enforcement Group Voltaire P. Agas ang pahayag ni Dean Valdez hinggil sa “pagiging konstitusyonal” ng isang batas na inilalagak ang pondo ng SSS na pribado at nakalaan na para tustusan ang mga benepisyon ng kasalukuyang miyembro. “Kailangang bigyan natin ng kunsiderasyon ang epekto nito [dagdag-pensyon] mula sa perspektibo ng aktwaryal, pinansyal at maging sa ligal na aspeto,” sabi niya.
Sa nasabing pagdinig, ipinrisinta ng SSS ang opsyon na ipatupad ang dagdag-pensyon sa dalawang panahon: ang unang P1,000 across-the-board-pension (ATBP) ay ibibigay sa taong 2017 at ang panibagong P1,000 ATBP ay ipapatupad sa taong 2022 o di kaya ay mas maaga pa.
“Sa pagpapatupad ng dagdag-pensyon sa dalawang panahon ay mababawasan ang epekto nito sa pondo ng SSS. Mabibigyan din ng pagkakataon ang SSS na magpalakas ng pondo mula sa mas mahusay na koleksyon at mga makabagong paraan ng pag-invest ayon sa batas,” sabi ni Dean Valdez.
Kasalukuyang nasa Peru si Dean Valdez bilang bahagi ng delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit. Makikipagpulong siya sa mga eksperto sa social security program ng iba’t ibang bansa para paunlarin ang administrasyon ng SSS benefits programs. (PR – SSS Davao)
No Comments