Lilies at Sacristan, misyonaryo
Ang pagiging misyonaryo ay hindi lamang ang pagpunta sa ibang lugar. Mula sa pamilya kung saan mapaglingkuran ang magulang, ang pagsisilbi sa pinakamalapit na parokya ay isa ding misyon kagaya na lamang ng “Lilies of the Altar” at ang mga “Altar Boys.”
Apat na libong “Lilies of the Altars” at “Altar Boys” ng Diyosesis ng Tagum ang nagtipon sa ika-7 Biennial Diocesan Vocation Apostolate (DVA) assembly noong ika-12 ng Pebrero sa Queen of Apostles College Seminary. Sinimulan ang nasabing pagdiriwang ng isang misa kasunod ang mga “Larong Pinoy” na siyang ikinasaya ng mga kabataan.
Ayon sa Diocesan Vocation Coordinator Luz Pereyras, higit na sa 25 na taon na siyang naging bahagi nito. Inorganisa itong pagtitipon na ito upang mas lumalim pa ang relasyon ng mga Lilies at Sacristan pati na ang mga taong nakakahalubilo nila. Inasahan din ni Mrs. Pereyras na maging masaya ang lahat. Disyembre 2015 pa nang sinimulan nila ang paghahanda.
Patintero, habulan, holinay, at iba pang aktibidad ang humubog sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ipinaliwanag sa kanila kung gaano sila kahalaga sa Simbahan. Higit sa lahat makilala din nila ang kanilang kapwa Lilies at Sacristan na galing pa sa ibang parokya.
“Kitang-kita ko sa kanilang mga mukha ang tuwa na naranasan ng lahat at umuwing dala-dala ang memorya ng kanilang pinagdaanang saya, tuwa, pakikipaghalubilo at higit sa lahat ang mga aral na siyang dadalhin nila saan man sila mapunta,” sambit ng isang partisipante.
Ang DVA ay nagsimula noong 1981. (Earna Cadungog | La Paloma Mensajera, Tagum)
No Comments