Siya ang sumulat, tadhana ang tumupad
Hayskul pa lamang ng magkakilala sina Patrick at Dina. Ang dalawa’y ipinanganak sa magkaibang relihiyon, kultura, at paniniwala. Si Dina ay nasa isang pamilya na may malalim na paninindigan at debosyon sa Panginoon bilang isang Katoliko. Idiniin ni Patrick habang sila’y sumasabak sa relasyon na ayaw ng pamilya ng kaniyang kasintahan na magpalit ng relihiyon at ito nama’y kaniyang naintindihan bilang siya rin ay nagsasaliksik sa kaniyang sarili kung saan ba siya nababagay.
Di akalain ng magkasintahan na darating ang isang unos na susukat sa kanilang katatagan at pananampalataya. Nagsimula lamang sa isang libangan, kantahan, at sayawan matapos umuwi si Patrick sa kaniyang 3 taong kurso sa ibang bansa. Lingid sa kaalaman ni Patrick, ay dala-dala na ni Dina ang isang buhay bunga ng kanilang pagmamahalan. “Diyos ko sana utot lang”, paningit na salita ni Patrick.
Nagsimulang umikot ang kaniyang mundo nang kailangan niyang magdesisyon sa pagitan ng pagpapatuloy ng pag-aaral sa ibang bansa o ang panagutan ang isang buhay na walang kamuwang-muwang sa pangyayari. Bigla siyang napailing at napaisip sa kaniyang sarili, “Paano kung ipanganak siyang maysakit, nasaktan o di kaya’y nadapa siya? Kailangan niya ng gabay. Kailangan niya ng amang huhubog sa kaniyang pagkatao. Kailangan niya Ako.”
Sa kahuli-hulihang oras, nakapagpasiya si Patrick. Ang pairalin ang puso, ang piliin si Dina. Ang ginawang pasya niya, ang nagtulak upang tanggapin niya ang Eukaristiya, dugo’t katawan ni Hesukristo.
Ikawalo ng buwan ng Agosto, nabinyagan at nakumpilan si Patrick. Kasabay nito ang pagsarado ng pintuan at pagputol ng koneksyon sa kaniyang natatanging pamilya. Gulat nang malaman ni Patrick na wala na sa sarili niyang mga kamay ang kaniyang ari-arian. Parang hinakluban siya ng lupa’t langit dahil mismong pamilya niya’y hindi siya tanggap. Walang-wala. Lumong-lumo.
Ikawalo ng Setyembre ay pinag-isang dibdib si Dina’t Patrick nang wala sa tabi ng groom ang kaniyang magulang na sana’y nakikisalo sa bawat patak ng luha na tutulo sa mapupungay na mga mata, salitang kaytamis na marinig, at siyang walang kapantay. Ikawalo ng buwan ng Oktubre naisilang ang isang bagong pag-asa, ang buhay na inakala’y isang malaking pagkakamali bagkus ito pa ang nagpamulat sa kanilang mga mata. Ika nga, “Disgrasya ay grasya. Everything is Grace”. At nabinyagan ang bata ikawalong araw ng Disyembre.
Sa loob ng limang buwan, ang pamilya niya ang nagsilbing liwanag at motibasyon upang bumawi at tumayo sa buhay di nga lubos na maisip ni Patrick na marami ang magbabago sa kaniyang buhay bilang isang Katoliko. “Hindi niya ako pinabayaan, pinilay lamang niya ang aking mga paa ng sandali upang ako’y manatili sa kaniyang tabi”.
Nakaupo lamang ako, nagsusulat ng kuwentong ito habang nakikinig sa isang cellphone recording. Ngunit aking napagtanto na tadhana ang magdadala sa akin upang maibahagi ko ang kuwentong ito. Wala naman akong maisusulat kung hindi ko sila nakapanayam. Ang totoong gumawa, nagsulat, at bumuo ng istoryang ito ay walang iba kundi SIYA, hindi ako. (Al Kristian Lou V. Presente | Tagum)
No Comments