Kabataan ng Tagum lumahok sa team building
Hihilain na ng buwan ang araw, unti-unti nang nagliliwanag ang mga tala sa bughaw na kalangitan ngunit di magkamayaw ang pagdagsa ng mga kabataan sa Immaculate Conception of Mary Quasi Parish, Lay Formation and Training Center sa Tagum, upang maging bahagi sa “Panagtapok 2015.” Ito ay nilahukan ng 65 kabataang nagmula sa iba’t ibang GKKs kasama ang mga 20 na mga lideres ng Diocesan Youth Apostolate (DYA), kamakailan.
Di maitago ng maaamong mukha ng mga kalahok ang pagod sa katatapos na pagsusulit sa paaralan, ngunit tila nabalewala ang lahat ng ito nang magsimula na ang oryentasyon sa dalawang gabi’t araw ng konbensyon. Nakakabagot man at nakakailang sa simula ngunit di nila lubos maisip at maranasan ang mga sorpresa’t mga laro na nakalaan para sa kanila.
Pagtakbo sa kakahanap ng liham. Paggapang sa maputik at mabasa-basang lupa.
Pagligo sa malamig na tubig. Tikas at liksing katawan, lakas ng loob at sikmura ang siyang kinakailangan upang magtagumpay sa laro. Mga larong siyang umukit ng panibagong mga mukhang puno ng di matutumbasang saya at ngiti kasama ang mga bagong mga kaibigan.
Layon nitong maisabuhay ng bawat isa ang kahalagahan ng pagkakaisa, kawanggawa, kooperasyon, pakikilahok, at malakas na pananampalataya sa Poong Maykapal. Sa pamamagitan nito, nakahanap ang Simbahan ng mga kabataang nilooban ng Diyos ng talento’t kakayahan at potensiyal upang maging lider sa pagpapayaman ng Katolikong Simbahan.
Bilang saksi sa pangyayari, alam kong umuwi silang baon ang mga aral at pagpapahalaga na nakatatak sa kanilang mga isip at puso na siyang magiging gabay at daan upang magbalik loob at magpatuloy sila sa pagsisilbi sa Diyos. (Al Kristian Presente | Tagum)
No Comments