Ika-50 Anibersaryo ng GKKs sa Dayosis ng Tagum Binuksan
Iba’t ibang mga kulay ng damit katulad ng sinag ng araw. Mga hiyawan papasok sa activity area na sinabayan ng kumpas at tunog ng gitara na rinig sa buong gym. Magalang na pagbati ng bawat kalahok sa isa’t isa kasunod ang mga ngiting abot-tenga. Parang pista sa nayon ang naging pambungad at matagumpay na pagsisimula ng ika-50 anibersaryo ng mga “Gagmay’ng Kristohanong Katilingban” sa Dayosis ng Tagum, na ipinagdiwang noong Oktubre 10 sa Saint Mary’s College.
Nilahukan ito ng 2,000 ministro, kura paroko, mga pangulo ng mga GKKs at mga miyembro nito.
Sinimulan ito ng awit-dasal ng Diocesan Youth Apostolate (DYA). Pagkatapos ay nagbigay ng mensahe si Mr. Gilbert Chatto, pangulo ng lahat ng mga GKKs. Tinalakay niya ang simula ng GKK. Kasunod nito ang banal na misa na pinasimunuan ni Bp. Wilfredo Manlapas kasama ang mga kura paroko.
Mas lalong napukaw ang interes ng mga manonood nang itanghal ng DYA ng Immaculate Conception of Mary Quasi-Parish ang di malilimutang kasaysayan ng GKK sa paglipas ng panahon.
Ayon kay Mrs. Luz Polpol, lider at layko ng GKK Immaculate Concepcion – Visayas, “Makabuluhan ang itinanghal ng mga kabataan, ako nga’y napahinto at naantig lalo na ‘yung kinanta ng isang bata ang ‘Ginoo Nasayud ka sa Tanan’ na siyang humila sa akin pabalik sa nakaraan at maalala ang sariwang mga pangyayaring mismong aming naranasan.”
Ayon sa nag organisa Rev. Fr. Noel Gastones, ang pastoral director, “Sa 2018 pa ang engrandeng selebrasyon ng Golden Anniversary ng GKK. Ang programang ito ang magpapagising sa humihinang pananampalataya at ispiritwal na aspeto ng mga layko at ministro.”
Habang papalapit ang araw na pinakahihintay, ipagpapatuloy ng Dayosis ng Tagum ang pagpapalakas ng diwa ng pagkakaisa ng bawat mananampalataya. Ito din ay sa tulong ng pagmamahal at buhay na salita ng Diyos. (La Paloma Mensajera [The Messenger Dove])
No Comments