SMA – Sta. Cruz nakiisa sa ‘Piso para sa Misa ng Mundo’
Pinangunahan ng mga Marians, mag-aaral sa St. Mary’s Academy of Sta. Cruz at mga guro ang paghulog sa alkansya ng “Piso Para sa Misa sa Mundo.”
Bagamat salat sa karangyaan ang nasabing paaralan, hindi inalintana ng mga estudyante nito na maghulog ng pinansyal na suporta upang maibsan man lamang ang presyon ng mga taong nasa likod ng paghahanda para sa International Eucharistic Congress sa Cebu City ngayong Enero 2016. Nanawagan ang Simbahan sa mga parokya at mga pribadong paaralan sa buong Pilipinas upang magkaisa sa kampanyang ito.
Naniniwala ang mga Marians na kahit sa isang piso na kanilang iniambag ay malaki at marami na ang pagagamitan nito. Sa ganitong paraan nila ipinakita ang pakikipagkaisa sa buong Simbahang Katolika. Bakas sa kanilang mga mukha ang kasiyahang di mapantayan, sapagkat nabigyan sila ng pagkakataong tumulong sa kabila ng kanilang kamusmusan. Katambal din ng makasaysayang misa na ito ang subuking mapaigting nang mas matatag ang pananampalataya ng bawat Pilipino, na sinubok ang pananampalataya sa pamamagitan ng lindol, baha, pagguho ng lupa, at bagyo. Naway ang konting tulong na ito ay makakapanumbalik sa atin sa Diyos, lalo na ang mga nawalan ng pag-asa dulot ng samut-saring sakuna na dumaan sa atin at sa iba sa bawat sulok ng mundo. (Emie D. Ampong)
No Comments