Diyos na ang Bahala
Nagising ako isang umaga na may malamig na simoy ng hangin ang umiihip sa bintana ng kuwarto ko. Naisip ko, paano kaya ako maliligo? Ang ginaw! Maaga pa naman ang misa ko. Kaya nagpainit ako ng isang baldeng tubig sa banyo gamit ang water heater na di-saksak sa wall outlet. At habang hinihintay kong uminit ang tubig, nagscroll muna ako sa Facebook sa tablet ko. May nakita akong isang true to life na kwento, galing sa isang tao na hindi ko naman friend sa FB. Maikli lang ito. Binasa ko. At sa pagkaka-alala ko ay ganito ang nakasulat…
“Habang nagbabayad ako sa Mercury Drug, nadinig ko na tinawag ang number 26. Number 28 ako. Nakita ko ang isang ale na matanda ng konti sa nanay ko. Dahil nahihirapan siyang tumayo, sinabi na lang niya dalawang Vitamin B complex. Nung sinabi ng tindero na 36 pesos, dali dali niyang sinabi na isa na lang. At habang kumukuha siya ng pambayad sa kanyang pitaka, ibinulong niya, “Kulang ang budget.” Nadurog ang puso ko kaya agad agad akong bumili ng isang box ng Vitamin B complex na 1 month supply at ibinigay ko sa ale, sabay sabi sa kanya ng, “Nay para sa inyo po, advance Merry Christmas po.” Naisip ko, paano na lang kung mama ko iyon, nahihirapan na ngang maglakad wala pang pambili ng gamot. At habang papalabas ako para mag-abang ng masasakyan, hinabol ako ng ale at hinawakan ang braso ko at sinabing, “Maraming salamat anak, Diyos na ang bahala sa iyo”, habang siya ay umiiyak.”
Kahapon, pagkatapos ng breakfast, habang naghahanda ako para pumunta sa isang gathering ng mga clergy sa Marbel, ay dumating si Rene na isang member ng choir ng chapel namin. Nagrerequest siya ng anointing para sa kanyang lola. Pero dahil papaalis na ako, sinabi ko na lang sa kanya kung p’wede pagbalik ko na lang sa hapon. Ibinigay ko sa kanya ang cellphone number ko at sinabi kong itext o tawagan na lang niya ako. Nung papauwi na ako, nagtext siya sa akin at nagtatanong kung nakabalik na ako. Sabi ko ay malapit na ako, mga 30 minutes na lang. At sinabi ko sa kanya na kung p’wede may pumunta sa amin para may mag-guide papunta sa bahay ng lola niya.
Dumating si Rene sa amin, at sinabi kong iwan na lang niya ang motorsiklong gamit niya at sumabay na lang sa akin sa sasakyan. Habang papunta na kami sa bahay ng lola niya, may tumawag sa cellphone ni Rene, na parang nagmamadali. At nadinig ko ang sagot niya, “Papunta na kami, papunta na kami.” Pagdating namin sa bahay ng lola niya, nadatnan namin ito na nakaupo sa wheelchair sa labas ng bahay. Nakayuko at wala nang buhay. Nasa tabi nito ang kapatid ni Rene na umiiyak. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid namin. Nakita ko si Rene na parang pilit ngumingiti para mapagtakpan ang pinipigil niyang pag-iyak. At sinabi ko na lang na ipagdasal na lang natin ang kaluluwa ng lola niya, at kami ay nagdasal.
Pagkatapos noon ay may mga tinawagan si Rene sa cellphone na ilang members ng pamilya nila para ipaalam na wala na ang kanilang lola. At habang kami ay nasa sasakyan pabalik sa amin para kunin ang kanyang motorsiklo, nasabi niya sa akin na okay na din sa kanila ang nangyari kasi nahihirapan na ang lola niya. Ngayon ay makapagpapahinga na siya. Naawa lang daw siya kasi walang nag-alaga sa lola niya kundi ang kapatid niya. Kahit daw ang mga pinsan nila ay hindi man lang nakaalalang dumalaw sa lola nila. Nasabi pa niya, “Kasi mahirap lang kami. Siguro kung mayaman lang si lola, magpupuntahan sila.”
Naisip ko lang, lahat ng tao ay may kanya kanyang concerns sa buhay. Mula sa pinakasimple na problema ko kung paano maliligo pagkagising noong isang malamig na umaga, hanggang sa pambili ng gamot noong ale sa Mercury Drug, at sa pagkamatay ng lola ni Rene. Pero sa lahat ng ito ay nakita ko din na hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Totoo nga na ang Diyos ang bahala sa atin.
No Comments